𝐓𝐚𝐦𝐚 𝐧𝐚! 𝐒𝐨𝐛𝐫𝐚 𝐧𝐚! 𝐓𝐚𝐩𝐮𝐬𝐢𝐧 𝐧𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐰𝐚𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐭𝐚𝐨𝐧𝐠 #𝐊𝐀𝐋𝐛𝐚𝐫𝐲𝐨!
𝐄𝐬𝐩𝐚𝐬𝐲𝐨 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐬𝐢𝐥𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐀𝐫𝐭𝐞 𝐚𝐭 𝐋𝐢𝐭𝐞𝐫𝐚𝐭𝐮𝐫𝐚, 𝐡𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐤𝐨𝐦𝐞𝐫𝐬𝐲𝐚𝐥𝐢𝐬𝐚𝐬𝐲𝐨𝐧!
Mistulang walong taong #KALbaryo ang ipinataw sa mga estudyante, guro, kawani, administrador, at iba pang kasapi ng komunidad ng Kolehiyo ng Arte at Literatura mula nang nasunog ang Faculty Center, ang FC, sa madaling araw ng Abril 1, 2016.
Walong taong naging tila iskwater ang KAL sa kaniyang sariling pamantasan na nagtitiis sa mga kulang na klasrum, makitid na mga opisina, at malalayo at temporaryong silid. Dumating ang pandemya noong 2020 ngunit nauna pang matapos ang konstruksyon ng ilang komersyal na establisyimento habang tila hindi prayoridad ang pagtatapos ng bagong FC, ang Faculty Commons, at ang bagong gusali ng KAL.
Ipinaabot ng pahayag na ito ang tindig ng KAL na nabuo sa espesyal na pulong ng kolehiyo noong Abril 19, 2024. Nagkakaisang panawagan ng KAL ang paggigiit ng pagkakaroon ng espasyo at pasilidad para sa Arte at Literatura at pagpapriotisa ng administrasyon sa kapakanan at kagalingan ng akademikong komunidad at hindi ang garapalang komersyalisasyon ng kampus.
Balikan natin ang ilang mahahalagang tagpo sa nagdaang walong taong #KALbaryo.
Umabot ng isang taon matapos masunog ang FC noong 2016 bago nabigyan ng mga temporaryong silid ang mga guro ng KAL sa Acacia Dormitory. Nagsisiksikan at pinagkakasya ng apat hanggang 10 guro ang sarili sa mga silid na ito, marami ang hindi nabigyan ng silid dahil sa kakulangan ng espasyo, at marami pa ang sumuko na sa paggamit nito dahil sa abala na dulot ng layong halos isang kilometro mula sa mga klasrum sa Palma Hall at CAL New Building (CNB).
Kulang na kulang naman ang mga klasrum sa CNB, kaya nakikihiram ang KAL sa ibang kolehiyo ng mga silid. Dagdag pa, kapos ang CNB sa mga pamantayang pangkaligtasan dahil sa kawalan ng mga fire exit at ligtas na assembly points sa paligid ng gusali dagdag pa ang palagiang pagkawala ng tubig sa mga palikuran nito sa mga itaas na palapag.
Walong taon na ang lumipas pero nakikisiksik pa rin ang mga opisina ng KAL sa Palma Hall Pavilion sa kalagayang hindi tiwasay at sana’y pansamantala lamang.
Sa groundbreaking ceremony ng bagong FC noong 2019, nangako ang administrasyon na magiging simbolo ito ng muling pagbabangon ng komunidad ng UP mula sa mga hamon at pagsubok. Sinabing matatapos ang pagpapatayo ng bagong FC noong 2020, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos. Inabutan pa nga tayo ng pandemya at mga panibagong pahirap at dislokasyon na dulot nito.
Taong 2021 naman nagsimula ang konstruksyon ng bagong gusali ng KAL. Ngunit patuloy pa rin ang #KALbaryo. Nauna pang matapos noong Disyembre 2022 ang GyudFood Hub na mabilis na natukod sa loob lamang ng tatlong taon. Patapos na rin ang DiliMall, na sinimulan rin ang konstruksyon noong 2020 matapos masunog ang Shopping Center. Inuna pa ang maraming proyektong beautification sa loob ng kampus, kabilang ang renobasyon ng Oblation.
Hindi nga umabot ng walong taon ang pagpapatayo ng mga komersyal na gusali at beautification. Bakit hindi nabigyan ng parehong prayoridad ang pagpapatayo ng bagong gusali para sa isa sa mga pinakamalaking kolehiyo sa Unibersidad? Hindi maiwasang isipin na repleksyon din itong pagsasantabi sa KAL sa hindi pagbibigay ng pagpapahalaga ng administrasyon sa Humanidades.
Habang patuloy na naninindigan ang KAL para sa mga mithiin ng akademikong kahusayan at pagpupursigi sa aming mahabang kasaysayan at track record ng paglilingkod sa bayan, dapat alalahanin ng administrasyon na ang patuloy pagsasantabi at hindi pagbibigay ng sapat na espasyo at mga pasilidad ay malaking sagka para sa pagpapatupad ng kolehiyo ng mga mandato nito.
𝐈𝐠𝐢𝐧𝐢𝐠𝐢𝐢𝐭 𝐧𝐠 𝐥𝐚𝐡𝐚𝐭 𝐧𝐠 𝐦𝐢𝐲𝐞𝐦𝐛𝐫𝐨 𝐧𝐠 𝐊𝐨𝐥𝐞𝐡𝐢𝐲𝐨 𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐭𝐞 𝐚𝐭 𝐋𝐢𝐭𝐞𝐫𝐚𝐭𝐮𝐫𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐚𝐦𝐢𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐫𝐚𝐩𝐚𝐭𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐞𝐬𝐩𝐚𝐬𝐲𝐨 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐬𝐢𝐥𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐬𝐚 𝐥𝐨𝐨𝐛 𝐧𝐠 𝐔𝐧𝐢𝐛𝐞𝐫𝐬𝐢𝐝𝐚𝐝. 𝐈𝐠𝐚𝐰𝐚𝐝 𝐧𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐅𝐚𝐜𝐮𝐥𝐭𝐲 𝐂𝐨𝐦𝐦𝐨𝐧𝐬 𝐩𝐞𝐫𝐦𝐚𝐧𝐞𝐧𝐭𝐞𝐧𝐠 𝐭𝐚𝐡𝐚𝐧𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐊𝐀𝐋 𝐬𝐚 𝐥𝐚𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐝𝐚𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐧𝐚𝐡𝐨𝐧.
TAMA NA! SOBRA NA! Tapusin na ang walong taong #KALbaryo!
Kommentarer